top of page

Kulturang Pilipino atbp.

By: Cherrylyn E. Ilumin

Manila, Philippines

October 7, 2016

Mayaman sa iba’t ibang larangan ng kultura at paniniwala ang mga Pilipino. Ang Pilipinas ay kilala sa makukulay na pista, kasabihan, tradisyon, at iba’t-ibang paniniwala. Ang mga ito ay nagmula sa kultura ng ating mga ninuno at mga unang mangangalakal at mananakop noong unang panahon. Ito ay ipinasa sa atin sapamamagitan ng mga kwento o istorya upang magbigay ng paalala at mga aral sa buhay.

 

Narito ang ilan sa mga Kaugalian, Kasabihan, Paniniwala, atbp. ng Pilipinas. 

​

KAUGALIANG PINOY

Bayanihan

Isa sa pinakaimportanteng kultura ng mga Pilipino ay ang Bayanihan. Ito ay isang katagang Pilipino na nagmula sa salitang “bayan” na tumukoy sa isang komunidad na nagpapakita ng pagkakaisa  para sa iisang layunin.

 

Ginamit ng mga Pilipino ang salitang bayanihan sapamamagitan ng pagtutulong-tulong sa pagbubuhat at paglilipat ng mga gamit ng isang pamilya o taong maninirahan sa ibang lugar. Kasama sa proseso ng bayanihan ang pagbubuhat ng bahay patungo sa bago nitong lokasyon. Ginagawa ito sa pamamagitan ng paglalagay ng mga kawayan sa gilid ng bahay hanggang sa maiangat ito at madala sa ibang lugar..

Isa sa pinakakilalang likha na nagpapakita ng Bayanihan ay ang likha ng National Artist ng Pilipinas na si Carlos “Botong” Francisco. Ang bayanihan ay naging tradisyon na ng mga Pinoy sapamamagitan ng pagkakaroon ng isang maliit na pista bilang pasasalamat ng naglipat na pamilya sa mga tumulong sa kanila.

Pagmamano

Isa sa mga kaugaliang Pilipino na nanatili pa rin sa ating tradisyon sa kabila ng modernong panahon ay ang pagmamano. Ang kaugaliang ito ay nagpapakita ng paggalang sa mga nakakatanda. Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng paghingi ng kamay sa mas nakakatanda at pagdikit ng kamay nito sa noo habang nakayuko.

 

Nagsimula ang pagmamano noong panahon ng mga Prayleng Katoliko na sumakop sa Pilipinas nang ipaggiitan nila ang kanilang mga kamay sa mga unang Pilipino upang halikan ito tanda ng paggalang sa kapangyarihang mayroon ang mga pari.

 

​

Makikita pa ring ginagawa ito ng mga Pilipino bilang pagbati o pagpaalam sa mga nakatatanda tulad ng kanilang mga magulang, kamag-anak, at mga lolo at lola. 

Po & Opo

Ang paggamit ng “po” at “opo” sa pagsagot sa mga nakakatanda ay isa sa pinakamatandang kasanayan sa pagsagot sa mga nakakatanda upang magpakita ng respeto at paggalang.

 

Ang salitang po ay ginagamit karaniwan sa mga salita matapos ang isang pag-uusap. Sa kabilang dako, ang opo naman ay ginagamit bilang isang paraan ng pagsasabi ng oo sa kanilang kausap.  

Maaari din namang gamitin ang ho at oho kapalit ng po at opo. Mas karaniwang naririnig ang paggamit nito sa Timog Katagalugan sa Luzon at Hindi naman gaanong ginagamit ang ito sa mga probinsya sa Visayas at Mindanao.

Kuya & Ate

Ang pagbibigay galang sa mas nakakatanda ay isa sa mga importanteng katangian ng mga Pilipino. Isa sa mga tradisyon natin dito sa Pilipinas ay ang pagtawag ng Kuya o Ate sa mas nakakatanda sa atin upang magbigay galang at respeto sa kanila.

 

Ang Kuya ay tumutukoy sa isang nakakatandang lalaki, samantalang ang Ate naman ay ginagamit para sa isang nakakatandang babae. Sa ating nakasanayan, kung gaano katanda ang isang tao ay ganoong kataas din ang respetong dapat na ibigay sa kanya.

 

Sa murang edad pa lamang ay tinuturuan na ang mga bata na tumawag ng Kuya o Ate sa kanilang mga nakakatandang kapatid. Ginagamit pa rin sa kasalukuyan ang mga salitang ito upang tumukoy sa mga mas nakakatandang kaibigan o katrabaho. 

Ligaw & Harana

Isa sa pinakamagandang tradisyon ng mga Pilipino ay ang panliligaw ng mga lalaki sa kanilang napupusuan. Ang panliligaw ay isang gawain ng panunuyo ng mga kalalakihan sa kanilang iniibig.

 

Sa panahon ng panliligaw ng isang binata sa isang dalaga, ang mga ito ay lumalabas upang magkakilala sila ng lubusan. Karaniwan nilang ginagawa ay ang pagkain sa labas, panonood ng sine, bumisita sa mga pista o okasyon, at mag punta sa mga sayawan.

 

​

Sa panliligaw ng mga kalalakihan ay dinadalahan nila ng mga regalo ang kanilang babaeng napupusuan tulad ng bulaklak, telegrama, tskolate, at kinakantahan ng mga awit na tinawag nilang Harana.

 

Ang harana ay isang paraan ng pag-awit ng isang binata na nagpapakita kung gaano nya iniibig ang isang dalaga. Karaniwan itong ginagawa tuwing sasapit ang gabi sa labas ng bahay ng isang dalaga. Karaniwang awiting kinakanta ng mga binata ay ang mga kundiman o mga awit ng pag-ibig.

 

Ang panliligaw ay isang tradisyunal o nakagawiang kultura ng isang lalaki upang maipahayag niya ang kanyang damdamin para sa babaeng kanyang iniibig. Isa itong paraan ng panunuyo bago humantong sa kasunduan ng pagiging magkasintahan at bago ang pag-iisang dibdib o kasal.

bottom of page