DESAPARECIDOS
Marami ang sumasang-ayon na mas maganda “raw” ang takbo ng ekonomiya at lipunan ng bansa noong nanungkulan si FM dahil sa dami ng kanyang kontribusyon sa bansa. Ngunit, huwag tayo magpabulag sa mga naggagandahang gusali, museo, at daan na kanyang nagawa.
Sa ilalim ng rehimeng Marcos, naipatupad ang Batas Militar kung saan nagkaroon sila ng kapangyarihan upang kontrolin ang bansa at upang sagipin at pagyamanin ang Republika. Tila naging isang ‘roller coaster’ ang Pilipinas dahil sa resulta ng kanilang pang-aabuso. Ang suspensyon ng karapatang pantao hinggil sa writ of habeas corpus at kawalan ng kalayaang magpahayag ang ilan sa mga paniniil na ginawa ng rehimeng Marcos sa mga Pilipino habang sila ay naliligo sa mga luho. Tinakpan, binusalan, at piniringan ang mga Pilipino upang hindi masira ang kanyang plano na baguhin ang lipunang Pilipino.
Isa sa mga pinakamasalimuot at pinaka-nakasisindak na nangyari noong Martial Law ay ang walang-awang pagpapahirap at pagpatay sa mga kumakalaban sa diktaduryang pamahalaan. Malungkot mang isipin pero ginawa ito sa mga taong hindi kilala – mga karaniwang estudyante, manggagawa, madre, pari, mga tatay at nanay. Desaparecidos. Ito ang proseso ng pagdakip ng mga militar sa mga Pilipino na kumakalaban sa pamahaalan noong kasagsagan ng Martial Law. Karamihan sa kanila ay walang-awang binugbog, ginahasa, kinuryente, pinahiga sa yelo, isinubsob sa kubeta, pinakain na parang mga hayop, at pinatay. Karamihan sa kanila ay hindi na nakauwing buhay sa piling ng kanilang pamilya at karamihan din sa kanila ay nawawala pa rin hanggang ngayon.
Torture na ngang maituturing ang pagtanggal ng isa sa mga pinakamahahalagang karapatan mo bilang isang tao, tatanggalin pa pati dangal at dignidad mo.
ASAN NA NGA BA SILA?
Ayon sa mga datos na aming nakalap, mayroong tatlumpo’t walong kaso ang naitala ng pagkawala. Noong taong 1973, patuloy na tumaas ang kaso ng mga nawawalang biktima ng Desaparecidos, hindi pa kasama rito ang mga biktimang hindi na naisadokumento pa. Ang ilan sa mga biktima ay aktibistang nagmula pa sa maiimpluwensiyang pamilya na tumutuligsa sa pamahalaang Marcos.
Ang mga biktimang nawala na lamang ng parang bula. Asan na nga ba sila? Ang kanilang pagkawala ay isa pa ring malaking katanungan sa bawat sa isa, sa mga pamilyang kanilang naulila, sa kanilang mga minamahal na patuloy na umaasa na balang araw ay muli silang magkakasama. Sino ang dumukot sa kanila? Babalik pa ba sila? Tila ang desaparecidos ay isang malaking misteryo dito sa bansa.
Karamihan sa mga nailathalang nawala ay mga estudyanteng aktibista na nais lamang ihayag ang kanilang saloobin at mga hinaing sa ating bansa. Mga simpleng kabataang maituturing na tulad nami’y may mga pangarap na balang araw ay maging maganda ang buhay, mga pangarap na nais matupad, mga pangarap na sana’y aming marating.
ANO ANG NANGYARI SA KANILA?
Wala nang ibang nakasisiguro kung ano na nga ba ang kinahinatnan at kapalaran ng mga taong minsa’y ipinaglaban lang naman ang mga botong diumano’y nauwi sa wala. Mga botong diumano’y “formality” lang kung tatawagin ng mangilan-ngilan. Mga pighating naudlot dahil naglaho na lang bago pa man marinig ang kanilang mga tinig.
Tila bang mas malinis pa kaysa sa mga nakaraang halalan ang pagdukot sa mga pinaghihinalaang aktibista noong panahon ni Marcos sa ilalim ng Martial Law. Ang mga Pilipino nauuhaw pa rin hanggang sa kasalukuyan kung ano na nga ba ang kalagayan ng mga tinatawag na “Desaparecidos”. Ang hirap lang kasing tanggapin na basta na lamang natin isasawalang bahala ang biglaang pagkawala ng ilan sa ating mga kababayan dahil lang hindi pumayag ang mga biktima na tumiwalag at manawagan ng mas progresibo at mas malinis na halalan at pamamahala sa bansa. Marami pa sa atin ang nagtataka kung ano nga ba talaga ang nangyari sa kanila. Maganda sa pandinig na may ilan lang sa mga nawala ang ibinalitang nabuhay; at kung hindi niyo na rin mamasamain maganda na rin na malaman ng sambayanan na hindi pinalad na mabuhay ang ilan sa mga “desap”.
Paano ang mga nawawala? Nasaan na nga ba sila? Hanggang sa kasalukuyang panahon bakit walang bakas ng kahit na anumang ebidensya kung buhay pa man o patay na ang mga nawawala. Walang bangkay na makapagpapatunay na ang ilan sa kanila’y tuluyan nang namatay. Walang aksyon mula sa pamahalaan upang bigyang liwanag ang isyu na ito. Walang balita kundi ang panawagan at pighati ng mga pamilya ng mga desap. Wala. Malinis. Ang hirap din ibaling lang sa pambansang militar ng bansa ito ang mga akusasyong hindi malaman kung kanina dapat ipatama. Kahit kaninuman natin ibaling, walang maglalakas loob na mamamayan na sabihin kung nasaan ba talaga ang mga desap, at kung mayroon mang magsisiwalat nito paniguradong may “silencing” na magaganap. Ang alam lang natin, ay mga kwento at haka-haka ng masalimuot na nangyari, at diumano’y patuloy pa ring naghihirap, sa mga desap; mga kwento ng torture, forced prosecution, at pagpatay. Ngunit pananatilihin na lang ba natin itong mga kwento? Mga haka-haka? Hanggang sa ano? Hanggang sa mabaon na lamang sa limot?
BABALIK PA BA SILA?
Maraming tanong ngunit walang makasagot; may mga sagot ngunit hindi tayo nakakasigurado kung ito’y tiyak o isa lamang panloloko. Sa mga sakit na pinaranas ng kalupitan ng mundo, minsan hindi natin namamalayan kung may pinagkaiba pa rin ba ang kaligayahan at kasakitan.
Napakasakit mawalan ng minamahal sa buhay. Wala ng mas sasakit pa sa isang ina na mawalan ng anak. Sabi nga nila, walang ina ang maglilibing sa kaniyang anak sapagkat ang anak ang siyang maglilibing sa kaniyang mga magulang. Ngunit, sa kalupitan ng pamumuno ng dating Pangulong Marcos, marami pa ring ina ang naghahanap ng hustisya para sa kanilang mga anak. Kailanman hindi na makakamit ang hustisyang sigaw ng mga pamilyang naiwanan; masakit, nakakapanglumo ngunit wala ng ibang nanaisin pa ang mga pamilyang ito kundi mahanap ang kanilang katawan at mabigyan ng magandang himbingan. Mas kakayanin ko pang makita ang aking minamahal sa loob ng kabaong na sugatan at walang buhay kaysa paglamayan ang isang kabaong na wala namang laman at ang pag-asang sila’y buhay at babalik pa.
Sa kabila ng sakit at pangungulila ng mga taong naiwanan ng minamahal, galit at sama ng loob sa pamahalaan naman ang bumabalot sa puso’t isipan ng mga pamilyang iniwanan; galit na magpahanggang sa ngayon ay hindi kailanman mapapalitan ng kapatawaran sapagkat ang buhay na ninakaw at ipinagkait sa kanilang minamahal ay hindi ganoon kadali kalimutan. Sa kalupitan ng pamumuno ni dating Pangulong Marcos, maraming pamilyang kumakatok sa kaniyang puso at nagmamakaawa na ibalik ang kanilang mga anak, patay man o buhay. Maaring ang galit ay tuluyan ng mawawala ngunit ang sakit na iniwan ng kalupitan sa pamumuno ng dating Presidenteng Marcos ay kailanman mananataling sakit sa kanilang puso gayon rin ang galit na siyang dahilan kung bakit ang tanong ay kailanman mananataling tanong sa kanilang isipan.
Sa dami ng tanong na bumabalot sa isipan ng mga taong naiwanan ng minamahal, isa lamang ang natatanging nais ng pamilyang ito, Hustisya, Babalik pa ba sila?
HUSTISYA
Sa muling paginit ng isyu ng mga Marcos ngayon, hahayaan na lang ba nating kalimutan ang sakit ng nakaraan gaya ng kagustuhan ng iba na ilibing ang noo’y kumitil sa kinabukasan ng mga desap? Ano pa nga ba ang magagawa ng salitang HUSTISYA kung dito sa ating bansa ay walang usad ang katarungan? Mga tanong na lamang ang naiwan at sakit na kailanma’y nakamarka na hindi lang sa kasaysayan gayundin sa mga puso ng mga naulila.
Mga Desaparecidos, mga nawala, mga wala, wala. Sa ganyang paraan na lamang maisusulat ang mga taong katotohanan lamang ang nais ngunit kinitil ng mga nagnanais.